Doon sa Mindoro, Sa Aking Lalawigan
Presko at sariwang hangin sa madaling araw, tahimik at mapayapang kapaligiran, ingay ng traysikel at motor sa kalsada at ang ingay na nagmumula sa mga manok, “Tiktilaok! Tiktilaok!” Lahat ng ito, gusto kong muling balikan. Bilang anak-probinsiyang naninirahan na ngayon sa siyudad, may ilang beses na naisip kong umuwing muli sa aming lalawigan - sa Mindoro. Gusto kong maranasang muli ang payak na buhay, makakain ng sariwang prutas, gulay, at bagong huling isda mula sa baybaying dagat.
Kung gaano kabilis at moderno ang takbo ng buhay sa siyudad, kabaligtaran naman ito ng buhay sa lalawigan. Sa Maynila, nagtataasang gusali ng iba’t ibang establisyemento ang karaniwang makikita. Malayong-malayo sa hitsura ng bayang aking kinagisnan. Doon sa amin, mayroon ding mga gusali ngunit hindi ito lalagpas ng sampung palapag. Bukid at malalawak na palayan ang madalas kong nadadaanan. Hindi pa rin natatabunan ng makabagong panahon ang kasaganahan ng mga yamang kalikasan.
Sa kabukirang natataniman ng berdeng damo, matatagpuan ang iba’t ibang klase ng hayop sa bukid tulad ng baka, manok, kambing, kalabaw, at baboy. Makakita lamang ng tumatakbong manok o kambing sa kalsada ang bunso kong kapatid, ikinatutuwa na niya ito. Tuwing walang pasok, lumalangoy kami sa tabing-dagat kung saan maitim ang buhangin; dala-dala namin ang mga pagkaing handa nang ihawin. Kung hindi sa tabing-dagat, dumadalaw kami sa mga matataas na talon sa bundok na kasinlaming ng yelo ang tubig!
Sa may mga bangketa’t tabi ng kalye, makikita ang mga karitong punong-puno ng prutas. Tuwing panahon ng mangga, lagi kaming bumibili ng apat na kilo. Kadalasan, sa tuwing bibili kami ng mangga, laging sinasabi ng Nanay ko sa tindera, “Ate, di pa naman ‘yan masyadong hinog ah! Bakit madilaw na ‘yan?” Alam kasi niyang mas gusto kong kainin ang manggang maasim-asim pa.
Doon sa amin, kung may gusto kang puntahan, sa bayan man o sa tabing-dagat, hindi tatagal ng labing-limang minuto o kalahating oras, makakarating ka na sa iyong destinasyon.
“Magtanim ay 'di biro. Maghapong nakayuko.” Iyan ang kantang laging inaawit at itinuturo sa amin sa paaralan. Sa amin sa Mindoro, makakakita ka ng mga magsasakang maghapong nakababad sa putikan at babad sa init ng araw para magtanim. Dahil sa kanila kaya mayroon tayong mga de-primerang klase ng bigas, mais, tubo o sugarcane, buko, at saging.
Kung makapupunta ka sa aming palengke, makakakita ka ng bentilador na may nakasabit na cellophane sa elisi. Ginagawa ito ng mga tindera para hindi makalapit ang mga langaw sa kanilang paninda. Naaalala ko noon, sa tuwing sinasamahan kong mamalengke si Lola, ang lagi niyang sinasabi sa tindera, “Ang liliit naman ng mga sugpo mo! Kulang ang isang kilo niyan para sa mga apo ko.” Muli ko na namang naamoy ang kakaibang amoy ng mga sariwang yamang-dagat!
“Bayanihan,” buhay na buhay pa rin ang kaugaliang ito sa bayan namin. Magkakakila kaming lahat at anuman ang problema, laging maaasahan ang tulong ng mga magkakabayan.
Sa ilang taong paninirahan ko rito sa lungsod, natuto na rin akong sumabay sa mabilis na takbo ng buhay rito. Ipinagpapasalamat ko sa Diyos ang pagkakataong makapanirahan sa Maynila. Ngunit bilang likas na probinsyana, hindi maaalis sa akin ang pananabik na muling makaapak sa lalawigang aking kinamulatan. Hanggang ngayon, naniniwala pa rin akong mas mapayapa at simple ang buhay sa probinsya. Ang aking mga karanasan sa lalawigan ay isa sa humubog sa akin sa kung sino ako ngayon at hinding-hindi ko iyon tatalikuran.