Jollibee: Ang Pambansang Bubuyog
Nakakita ka na ba isang batang nakasakay sa loob ng dyip at walang kaabog-abog na bigla na lang magtuturo at sisigaw ng “dyayibi!” “dyayibi!”? Kasabay ng pagturo sa tindahan, kitang-kitang sa mata ng paslit ang tuwa at saya dahil kumikislap pa ang mga mata. Alam kong napapangiti ka na. Tama ka, si “dyayibi” ay si Jollibee. Sino ba sa atin ang hindi pinakilig at pinasaya ni Jollibee? Bata man o matanda, nagkakaroon ng kakaibang sigla kapag nakita na ang mga bilog na bilog na mga mata nito, maging ang mga nakakahawang pagngiti nito at idagdag pa ang “huggable” na katawan nito.
Kung ang Amerika ay nagmamahal ng isang daga - sa katauhan ni Mickey Mouse, tayo man ay hindi rin pahuhuli. Kinagigiliwan ng nakararami ang tinaguriang pambansang bubuyog ng Pilipinas - si Jollibee. Maaaring sabihin na bahagi na ng ating kultura at pagkakakilanlan si Jollibee. Maging sa ibang panig ng mundo, kapag nabanggit ang salitang ito, ang agad na iniuugnay rito ay tayong mga Pilipino.
Paano nga ba nagsimula ang kuwento ng bubuyog na ito? Taong 1975 nang si Tony Tan Caktiong ay nagtinda ng ice cream sa mga kalye ng Maynila. Nagbenta rin siya ng mainit na pagkain katulad ng sandwich at iba pang meryenda. Mas tinangkilik ng mga tao ang mga meryendang tininda niya kumpara sa ice cream. Dahil dito, nagkaroon siya ng ideya na gumawa ng fast food chain na papatok sa panlasang-Pinoy…. na sa bawat langhap, sarap ang malalasap! Ito ang naging bala ng Jollibee na tinangkilik ng sambayanang Pilipino. Ang mga sumunod na taon ay ang tinatawag nating “and the rest is history.” Sa kasalukuyan, ang Jollibee fast food chain ay isa sa mga nangungunang establisyemento ng Pilipino. Mayroon na itong 1150 branches sa buong Pilipinas. Idagdag pa rito ang mga naipatayong branches sa ibang bansa gaya ng Saudi Arabia, Brunei, Estados Unidos, Canada, Italya, at Espanya. Nang magbukas ng Jollibee sa United Kingdom, pumila ang ating mga kababayan nang mahigit labimpitong oras para makatikim ng yumburger. Ang pag-unlad nito ay naging susi kung bakit, sa kabila ng dominasyon ng McDonald’s bilang pandaigdigang fast food chain, isang maliit na bansa sa Asya ay pinamumunuan ng isang bubuyog. Bilang pagkilala sa kahusayan sa negosyo ni Tony Tan Caktiong, siya’y ginawaran ng Ernts and Young World Entrepreneur of the Year.
Nakatutuwang isipin na sa kasabay ng paglago ng food chain na ito, yumayaman din ang mga ating mga alaala. Ilang libong bata na ba ang nangulit sa kanilang mga magulang na makapag birthday sa Jollibee? Ilang ulit na rin naman tayong nakakain ng fried chicken pero iba pa rin ang juicylicious at crispylicious ng chicken joy. “Nostalgic” ang pagkain ng jolly spaghetti. Sa bawat subo at nguya, binabalik nito ang mga panahong tayo’y bata pa. Hindi na rin siguro mabibilang kung ilang beses tayong sumali sa larong “Happy birthdaaaaaaaaaaaaaayyyyy…” Mas mahabang happy birthday, mas panalo. Sigurado rin akong wala tayong pinalampas sa larong “Bring Me.” Ito pa ang “epic” talaga, kahit “thunders” ka na, uulit-ulitin mong magpapiktyur kasama si Jollibee.
Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit ganito na lamang ang pagmamahal natin sa lokal na fast food chain na ito? Ano ba ang meron sa Jollibee na ang bawat bata ay napapasaya at napapayakap sa Jollibee mascot? Una, hindi maikakaila na nahuli ng Jollibee ang panlasang Pilipino. Mapa-manok, palabok, o spaghetti man, Jollibee ang ating naging batayan sa kung ano ang masarap. Hindi man Jollibee ang nakaimbento ng mga pagkaing ito, matagumpay nitong nakuha ang tamang timplang-Pinoy. Pangalawa, naging matagumpay ang marketing strategy nito. Bawat komersyal na inilalabas nito, may haplos ito ng kulturang Pilipino. Laging may tema para sa pamilya, pagkakaibigan, romansa, pangarap, pagsisikap - pangingitiin ka, paiiiyakin ka, pakikiligin ka, lahat ng ito, sangkap ng komersyal ng Jollibee. Pangatlo, malaking bagay rin ang pagkakaroon ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil sabik ang mga OFW at mga Pilipinong immigrants sa anumang may kaugnayan sa kanilang pamilya at sa Pilipinas, bawat pagpasok nila sa loob Jollibee ay parang pag-uwi sa kanilang tahanan, sa kanilang pamilya. Sa bawat pagsubo ng chicken joy at spaghetti, naalala nila ang pamilyang kasabay sa pagkain.
Magkakaiba man tayo ng lahi, etnisidad, wika, pulitika, relihiyon, hindi man tayo nagkakasundo kung It’s Showtime o Eat! Bulaga ang dapat panoorin, o lechon o hamon ba ang dapat ihanda tuwing Pasko, nagkakasundo pa rin tayo tayo dahil para sa atin, bida ang saya!