Filipino, Wikang Mapagpalaya

Kung ang  buwan ng Enero ay simula ng bagong taon, araw ng mga puso at magsing-irog ang buwan ng Pebrero, ang buwan Marso ay “women’s month,” samantalang ang Abril ay kadalasang  Mahal na  Araw, ang Agosto naman ang natatanging buwan para sa selebrasyon ng Buwan ng Wika.  Isa ito sa mga kapanapanabik na aktibidad sa mga paaralan.  Ang sayang dulot ng mga palatuntunan, ng pagsuot ng iba’t ibang Filipinana kostyum, ng pagpapamalas ng kakayahan sa pagbigkas ng wikang pambansa, kahit na magkabalu-baluktot na ang mga dila.

Sa bawat taong pagdiriwang ng Buwan ng Wika, iba’t iba ang tema.   “Filipino:  Wikang Magpagpalaya” ang tema para sa taong ito.  Ano nga ba ang ibig sabihin ng wikang mapagpalaya?  Kailan at paano nagbibigay ng kalayaan ang isang wika?

Mapagpalaya ang wika kung ito ay may potensyal na magbigay ng kapangyarihan, kasarinlan, at pagkakakilanlan ng mga tao.  Ang pagiging mapagpalaya ay tumutukoy sa kakayahan ng wikang magbigay ng boses sa mga mamamayan, lalo na sa mga tao o mga grupong hindi madalas naririnig o nabibigyang pansin.

Higit sa pagpapalakas ng ating kultura, ang wika ay mayroon ding kakayahang magpalaya mula sa kamangmangan.  Lahat ng nakakapagsalita at nakauunawa ng wika ay mayroong pagkakataong matuto, maiangat, at mapagpabuti ang sarili.

Ang Buwan ng Wika ay isa sa mga pinakahihintay na okasyon sa Pilipinas. Iba’t ibang  programa ang inihanda para sa selebrasyon ito, at nahahati sa iba’t ibang tema.

Sa unang linggo, mula Agosto 1-3, ang tema ay “Filipino Sign Language (FSL) para sa Ingklusibong Pambansang Kaunlaran,” na nagbibigay ng pagpapahalaga sa Filipino Sign Language bilang isang wika na dapat kilalanin ng bawat Pilipino. Malaki ang naitutulong ng FSL sa mga “deaf and mute” dahil nagkakaroon sila ng pantay na akses sa komunikasyon.  Sila ay nakapagpapahayag at sila’y napakikinggan.

Sa ikalawang linggo, Agosto 5-10, ang tema ay “Sistematikong Maka-Agham na Pananaliksik Tungo sa Pambansang Kaunlaran." Nakapokus ito sa paggamit ng agham para sa pagpapabuti ng bayan.  

Para sa ikatlong linggo, Agosto 12-17, ang tema ay “Paggamit ng Indigenous Knowledge Systems at Practices (IKSP) sa Scientific Research." Ito ay nagpapakita ng halaga ng pagkakaroon ng kaalaman sa mga katutubong wikang magagamit sa makabagong pananaliksik.

Mula Agosto 16-23, ang pokus ay "Katutubong Wika sa Pagpapaunlad ng Edukasyong Pambansa.” Ang paggamit ng katutubong wika sa edukasyon ay napatunayang epektibo sa pagtuturo lalo na sa mga lugar na ang nakasanayang wika ay hindi Filipino o Ingles. Ang pagtuturo gamit ng wikang katutubo ay nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa at koneksyon sa aralin na nagreresulta sa mas mataas na kasanayan.

Sa huling linggo, mula Agosto 26-31, ang tema ay “Paglaban sa Misinformation sa Pamamagitan ng Fact-Checking." Ito ay nagbibigay diin sa paglaban sa mga maling impormasyon. Sa panahon ng digital na komunikasyon, ang wika ay mahalagang instrumento sa pagwawasto ng mga kumakalat na maling impormasyon.

Bilang pakikibahagi ng MGC New Life Christian Academy sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ang Kagawaran ng Filipino ay nagsasagawa ng mga “exciting at nostalgic” ng mga gawain. Una, ang pagbibigay pagkilala at pagpapatikim sa mga mag-aaral ng iba’t ibang kakanin at pagkaing Pinoy.  Ikalawa, ang pagsasagawa ng Bugtungan, Larong-Pinoy, Pinoy Henyo, Videoke ng mga Original Pilipino Music (OPM), at ang pagsasagawa ng Trivia Day.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay isang makapangyarihang pagpapahayag ng ating pambansang pagkakakilanlan at pagmamalaki sa ating wika, na nagsisilbing pundasyon ng ating kultura at kasaysayan. Sa bawat aktibidad at programa, isinasakatawan natin ang diwa ng ating wika na nagbibigay buhay sa ating tradisyon at pamana. Ito rin ay isang paggunita sa mga bayaning naglaan ng kanilang buhay para sa ating wika at kalayaan, na nag-iwan ng di malilimutang marka sa ating kasaysayan. Sa pamamagitan ng Buwan ng Wika, naipapalaganap natin ang pagmamahal sa sariling wika sa mga kabataan, na nagsusulong sa kanilang pagyakap at paggamit nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Bianca Iyesha G. Sy

I love penguins.

Previous
Previous

A Glimpse of University Life at Ateneo and UP

Next
Next

Spearheading Success: Year One of MGCNLCA’s New Era of Leaders