Buwan ng Wika: Pagpapahalaga, Pagmamahal, at Pagmamalaki sa Sariling Wika
Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa buong mundo na matatas sa paggamit ng wikang Ingles. Sinusuportahan ito ng artikulong “3 Reasons Why The Philippines is One of the Top English-Proficient Countries for Business,” - With two-thirds of the population fluent in English, the Philippines is regarded as one of the largest English-speaking countries in the world. In fact, in the EF English Proficiency Index 2017, the Philippines ranks 15th out of 80 countries.
Ginagamit ang wikang Ingles sa komersiyo at batas, gayundin bilang pangunahing midyum ng pagtuturo sa edukasyon. Dito lang sa Maynila, at sa mga pribadong paaralan, karamihan sa mga kabataan ay gumagamit ng Ingles sa pakikipag-usap. Wala namang masama rito dahil ang kahusayan ng Pilipino sa wikang Ingles ay isa sa mga naging daan sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Sa kabila ng husay ng mga Pilipino sa paggamit ng wikang Ingles, naaalala pa kayang gamitin ang wikang Filipino? Pinahahalagahan pa kaya ang sariling wika?
Buhay ang wikang Filipino. Ito’y makulay at may taglay na kagandahan. Ito’y wika na hindi inperyor sa ibang wika. Walang superyor na wika dahil lahat ng ito ay pantay-pantay at pare-pareho ang gamit. Bukod sa pagiging instrumento ng komunikasyon, ang wikang Filipino ay susi rin sa pagpapalakas sa larangan ng pagsulat, pananaliksik, pagtataguyod ng katotohanan at katuwiran.
Tuwing buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa ating bansa upang magbigay-pugay sa kahalagahan ng wikang Filipino. Layunin nitong itaguyod ang wikang pambansa at magsilbing paalala sa mga Pilipino na mahalin ang ating wika at magbalik-tanaw sa kasaysayan nito. Sa ganitong pagdiriwang, maipapakita natin ang pagpapahalaga at pagmamahal sa Filipino at maging sa iba’t ibang katutubong wika ng bansa.
Nakatutuwang malaman na ang mga paaralan ay patuloy pa rin sa paghahanda ng mga programang nagbibigay pugay sa ating wika. Iba’t ibang patimpalak tulad ng paligsahan sa pagkanta, pagsayaw, pagbigkas ng tula, at maging sa pagsusuot ng mga kasuotang Pilipino gaya ng barong-Tagalog at baro’t saya ay isinasagawa pa rin. Ang mga ganitong paligsahan ay mga pagkakataon para sa mga estudyante para masuri ang kanilang kakayahan sa paggamit ng wika maging ang kanilang pagiging malikhain.
Ang mga ganitong programa ay hindi lamang nagpapakita ng pagpapahalaga, kundi bumubuhay rin sa ating mga kultura.
Sa bawat pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ito ay paglalaan ng oras at panahon upang pagnilayan, suriin, at balikan ang kontribusyon ng wikang Filipino sa ating kasaysayan at sa ating pagiging Pilipino. Hindi lang para sa komunikasyon ang wika, kundi sinasabing kaluluwa rin ng isang bansa sapagkat ito ang nagbubuklod sa mamamayan at nagsisilbing pagkakakilanlan ng bayan. Bilang Pilipino, paano natin maipapakita ang nasyonalismo kung hindi tinatangkilik o kulang sa suporta sa sariling wikang pambansa? Kabilang din dito ang mas malalim na kahulugan ng ating kultura at pagkatao, ang pagiging Pilipino.
Bukod sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa wikang pambansa at kultura, mahalaga ring maunawaan na ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay isa sa maraming pagkakataon upang makapagpahayag ng kaalaman, karanasan, at magkaunawaan gamit ang wikang nagbibigkis sa sambayanang Pilipino. Nagsisilbing tulay ang wikang Filipino upang ang mga mamamayang pinaghihiwalay ng mga pulo ay magkaisa at magkaugnay-ugnay. Kay gandang pagmasdan ang isang bansang tumatangkilik ng sariling wika at maging ng mga katutubong wika. Kung ganito ang magiging pagtanggap ng lahat, magiging matibay ang pundasyon ng ating pagkamamamayan at marahil ito rin ay maging susi sa ating pag-unlad.
Hindi ba't isang malaking karangalan na mayroon tayong sariling wika? Ipinapakita nito ang yaman ng ating kultura at kasaysayan. Napakagandang isipin na sa loob ng isang taon, may itinakdang buwan upang ipagdiwang ito. Ngunit huwag nating kalimutan na hindi natin kailangang hintayin ang buwan ng Agosto upang ipagdiwang ang ating sariling wika. Sa bawat pagsikat ng araw, ito ay pagkakataon upang ipakita ang ating pagmamahal dito.
Isang hamon sa ating lahat na pahalagahan at tangkilikin sa araw-araw ang wikang Filipino. Ayon nga sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda.”
Sanggunian
Cabigon, M. (2015). State of English in the Philippines: Should we be concerned?. State of English in the Philippines: Should We Be Concerned? | British Council. https://www.britishcouncil.ph/teach/state-english-philippines-should-we-be-concerned-2
Mariñas, J. (2023). 3 Reasons Why The Philippines is One of the Top English-Proficient Countries for Business.
(https://cloudemployee.co.uk/blog/it-outsourcing/why-philippines-for-business)