Ha?! Senior High School na ‘Ko? Ang Unang Buwan Bilang Grade 11 Student

Akalain mo ‘yon, Senior High School (SHS) na ‘ko!  

Sinong mag-aakala na kaming  Batch 22 na inabutan ng pandemya ay nasa stage na ng buhay na kailangan nang paghandaan ang kolehiyo?  Grade 7 ako noon nang maging online ang modality ng klase.  Parang kahapon lang, para makapagtsek ng attendance, kailangang mag-screenshot.  Usong-uso noon ang mga salitang “turn on your camera… type your answer in the chatbox…mute your audio…at kung ano-anong online terminologies na kailangang matututunan ng lahat para makasabay sa online learning.  Naaalala ko pa, nagnanakaw pa ako ng tulog kapag oras ng tanghalian.  

Sa totoo lang, nang bumalik sa face to face ulit ang klase, ang nasa isip ko lang noon, “finally back to normal na!”  Hindi ko naisip na darating ang panahon na kailangan kong magdesisyon sa kung anong gusto kong mangyari sa buhay ko - sa kolehiyo.  Dapat ba kong mainggit sa mga estudyanteng sigurado na sa strand na kukunin nila pagdating sa SHS?  Ako kasi, walang ideya kung ano ang pipiliin ko.

Naging problema ko ‘yong di ako makapili kung anong strand ang kukunin ko (hindi ko pa rin alam hanggang ngayon!)  Malaking bagay na may pamilya akong napagkonsultahan.  Malaki rin ang naitulong ng mga kaibigan para malaman kung ano-ano ang mga opsyon ko.

ABM, STEM, HUMSS, o GAS? Ano nga ba?  Alin sa mga ito?  ABM kung magnenegosyo ako.  Puwede rin naman ako sa STEM na malaking tulong raw sa mga college entrance exam.  Okey din naman ang HUMSS dahil mas makikilala ko ang mga tao at sarili ko.  Matagal akong nakapagdesisyon hanggang sa wakas, napunta ako sa STEM!

Ngayong nasa STEM strand ako, ano nga ba ang mga expectations vs. reality?  Sa ngayon, hindi pa ako nagpupuyat.  Hindi pa naman kasi gano’n kabigat ang mga requirements.  Totoo ngang kailangan lang gawin agad ang mga takdang-aralin  para hindi mahuli at matambakan ng trabaho.  Hindi ko alam kung blessings  ba ito o ano, merong kaming Pre-Calculus, Earth Science, at Basic Calculus!  Pero kung tutuusin, okey na rin mababad kami sa mga ganitong subject, kasi kami rin naman ang makikinabang.  Hindi rin naman magtatagal magkakaroon na ng specialized subjects tulad ng Chemistry, Biology, at Physics.

Kaming Batch 22 ang may pinakamaraming bilang ng estudyante sa SHS.  Sa kabuuan, halos 70 kaming lahat.  Olive A ang ABM at Olive B naman ang GAS, HUMSS, at STEM.  Akala namin noon wala na kaming pagkakataong magbabarkada na magkaroon ng common time, 

na baka  hindi na kami makakapag-bonding.  Pero sabay-sabay pala  ang lunch break at recess, kaya nakakapagtsikahan pa rin kami. 

Unang linggo ng pasukan, napasabak na ko sa dalawang pagsusulit, tatlong presentation, pagsagot ng napakaraming practice worksheets, at nagplano na rin kami para sa isang proyektong  makapagbibigay ng social impact sa lipunan.  Nagkaroon din kami ng Boot Camp at Campus Tour na pareho kong na-enjoy.  Nagsimula na rin ang Lifeweek na hinihintay naming lahat!

Nagsisimula pa lang kami ng aking mga kaklase at kaibigan sa SHS.  Siguradong maraming araw na maiiyak ako sa dami ng mga dapat gawin,  ngunit naniniwala rin akong mas marami ang araw na ngingiti ako dahil naipasa, kinaya at kakayanin kong gawin ang lahat ng requirements!

Meron pa kaming dalawang taon sa aming sintang MGC New Life Christian Academy.  Sana, lahat ng learning opportunities na ibibigay sa amin, hindi namin sayangin. 
Batch 22, gawin nating masaya at memorable ang huling dalawang taon natin.  Bumuo tayo ng mga karanasan at alaala na matatandaan natin magpakailanman.

Nadine Julianna O. Mateo

Masaya ako kapag ako'y nagbabasa, tumutugtog ng piano at gitara, nagagantsilyo, at nanonood ng mga paborito kong palabas. Mahilig din akong matulog at makinig ng iba't-ibang musika kapag may oras ako.

Previous
Previous

Footsteps in the Wrong Direction

Next
Next

中秋节:月饼的南北方差异